MTRCB, hinihintay ang public apology ng Showtime?!

Philippine Tribune
Philippine Tribune

SHOWBIZ GANERN!Gorgy Rula – Pilipino Star Ngayon

October 8, 2023 | 12:00am

Naglabas nga ng statement ang ABS-CBN hinggil sa suspension ng It’s Showtime na hindi na raw sila mag-aapela sa Malacañang. Haharapin na nila ang suspension umpisa sa Oct. 14. At nakapag-tape na raw ng dalawang episodes ang bagong programang pansamantalang ipapalit.

Pero may nakausap kaming may access sa taga-MTRCB at sinabi nitong baka napagaan daw  ang kaso ng It’s Showtime kung nag-apologize lang sila.

‘Yun ang kaibahan sa E.A.T. ng TV5 na pagkatapos ng nagawa nilang pagkakamali, kaagad na humingi sila ng paumanhin sa MTRCB.

Napag-alamang tumawag pala agad si Wally Bayola sa MTRCB pagkatapos narinig nang live na napamura siya.

Hindi na raw niya hinanap para kausapin si Chairperson Lala Sotto-Antonio, kundi nagpakilala lang daw siya sa nakasagot sa telepono at humingi raw siya ng paumanhin sa ginawa niya sa E.A.T.

Kinabukasan ay nagsalita pa siya kasama si Jose Manalo para humingi ng paumanhin.

Ganundin ang nangyari sa isyu ng “lubid” ni Joey de Leon na kung saan ay naglabas ng public apology ang production staff.

‘Yun ang kaibahan sa It’s Showtime na pinanindigan nilang wala silang nagawang kasalanan.

Nilinaw naman ng nasa adjudication committee ng MTRCB na hindi lang ‘yung “cake issue” nina Vice Ganda at Ion Perez ang kaso kundi may iba.

Pitong kaso raw ‘yun na mga nakarating na reklamo sa MTRCB

‘Yun lang daw ang hinihintay ng taga-MTRCB na mag-sorry sila dahil may mga reklamong nakarating sa kanila na kailangan nilang harapin.

Lotlot, may pasaring sa mga magulang na matitigas ang ulo!

Tanggap ni Lotlot de Leon na senior citizen siya sa pelikulang Ang Ina Mo na dinirek ni Joel Lamangan. Isinumite ito ng producer nilang 4Blues Productions Inc. at LDG Productions sa Metro Manila Film Festival.

Si Lotlot ang gumaganap na ina na si Bella at si Charlie Dizon ang anak niyang si Donna. Si Rico Barrera naman ang lover dito ni Lotlot.

Fifty-one years old pa lang si Lotlot.

Napangiti si Lotlot nang tinanong namin kung nakaka-relate ba siya sa kuwento ng pelikula na tumatalakay sa mag-ina na nagkaroon ng conflict dahil sa lover ng ina.

Obvious na ayaw na ni Lotlot na pag-usapan at ihambing itong pelikula sa isyu ng kanyang Mama Guy (Nora Aunor).  “Sa totoong buhay ang mga anak naman walang magagawa sa choices ng mga magulang nila e. Wala. Meron po ba? Wala,” seryosong pakli ni Lotlot.

Dagdag niya : “Kung ano ang tama para sa kanila, maaring mali sa atin. Pero, at the end of the day, in the culture of our country, being Filipinos, anak lang tayo lahat. So, wala,” dagdag niyang pahayag.

Pero meron ding mensahe si Lotlot para sa mga magulang. Aniya, “Sa mga magulang naman, siguro hindi naman natin sila pinipigilang magmahal ‘di ba? “Pero bilang mga anak, nakikita natin minsan ‘yung hindi nila nakikita na kung niloloko ba sila, kung totoo ba ‘yung tao sa kanila, kung tapat ba ‘yung tao sa kanila na iniisip nila na mahal sila, at mahal din nila?

“Ahhh sana magkaroon din lang ng puwang sa mga magulang na makinig sa mga kung ano ‘yung nararamdaman ng mga anak. Na hindi rin maging sarado ang kanilang puso at isipan.

“Kasi ‘yung anak din naman nag-aaral, nagsisipag, na gustong maging proud, at ginagawa ‘yun ng anak para sa magulang, hindi ba? Pero hindi niya nakikita. So, at the end of the day, it’s just really communication. Just have to be open and ‘yun na nga, siguro dasal. Dasal na halimbawang sarado ang isip at puso ng mga magulang, at pati na rin ang mga anak,” na animo’y may gustong patamaan si Lotlot.

Leave a comment