Jay Contreras ng Kamikazee, may makahulugang post matapos ang insidente sa Sorsogon

Philippine Tribune
Philippine Tribune

May cryptic posts ang lead singer ng bandang Kamikazee na si Jay Contreras ilang araw matapos umano silang pauwiin ng gobernador ng Sorsogon at hindi na pinayagan pang magtanghal.

Sa Instagram, nag-post si Jay ng tatlong three black and white photos niya na may caption na na “Choose love” at “I choose love.”

Nakatakda sanang magtanghal kamakailan ang Kamikazee sa fiesta ng Casiguran pero hindi na natuloy matapos ianunsyo ni Sorsogon governor Boboy Hamor na pinauwi na niya ang banda.

“Sana naintindihan n’yo hindi ko gusto ‘to. Kaso sinabi ko nga may attitude. ‘Di na ‘yon makakabalik sa akin maniwala kayo sa akin,” ayon sa gobernador.

“Hindi tayo puwedeng bastusin na taga Sorsogon. Pinipilit ko naitaas ang dignidad ng bawat Sorsoganon,” dagdag nito.

Ayon pa kay Hamor, bayad ang banda bago pa man magtanghal.

Hindi sinabi ng gobernador kung ano ang dahilan para pauwiin niya ang banda. Pero ayon kay Dong Mendoza, Public Information Officer ng Sorsogon, tumanggi umano ang Kamikazee na magpakuha ng larawan sa 16,000 blue roses attraction ng lalawigan.

Sinabi pa ni Mendoza, na nauna nang pumayag ang banda na magpakuha ng litrato pero hindi sila sumipot sa araw ng pictorial.—FRJ, GMA Integrated News

Leave a comment